Para kay Mariella Castanol, isang mag-aaral ng BS Chemical Engineering, hindi lamang mga asignatura at pagsusulit ang mga pagsubok na kanyang kinakaharap sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Dagdag na pasanin din ang problemang pinansyal.
Salaysay ni Mariella, hindi madali ang hamong ito. “Sa halip na intindihin ko na lang ‘yong pag-aaral ko, pero since struggling pa po, pati ‘yon pa po iisipin ko.” May mga pagkakataon pa raw na sa kakulangan ng pera, itinutulog na lamang niya ang pagkalam ng sikmura.
Isa lamang si Mariella sa marami pang mag-aaral ng UP na nakararanas ng mga suliraning pampinansyal. Bagama’t nakikinabang siya sa libreng tuition at buwanang stipend, may mga pagkakataong pinoproblema niya kung saan niya kukunin ang pangtustos sa pang-araw-araw—lalo na’t nawalan ng trabaho ang kanyang ama. Tanging ang natirang sahod mula sa pagiging student assistant noong nakaraang semestre ang pagkakasyahin niya sa mga darating na araw.
Kaya naman, labis ang galak ni Mariella nang malaman niyang kabilang siya sa mga napiling benepisyaryo ng Lingap-Hapunan Project. Aniya, malaking tulong ang programa sa pagbabawas ng gastusin.
Ang Lingap-Hapunan Project ay handog ng UP Alumni Association (UPAA), sa pakikipagtulungan ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA)-Office of Student Development Services (OSDS) at UP Gyud Food Hub. Layunin ng programang ito na magbigay ng karagdagang tulong sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng libreng hapunan. Ito ay pinondohan ng UPAA, mula sa mga donasyon ng miyembrong alumni nito.
Para sa pilot run ng proyekto, 50 mag-aaral mula sa UP Diliman ang mabibigyan ng libreng hapunan mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-17 ng Disyembre 2024. Ang mga naturang mag-aaral ay nasa FDS bracket ng Student Learning Assistance System, na tumatanggap ng full discount at P5,000 stipend kada buwan.
Noong ika-29 ng Oktubre 2024, idinaos ang paglulunsad ng Lingap-Hapunan Project sa ikalawang palapag ng UP Gyud Food Hub. Kabilang sa mga panauhing-pandangal sina UP President Angelo Jimenez, AVP for Student Affairs Ma. Shari Niña Oliquino, OSDS Director Tristan Nathaniel Ramos, UPAA President at Alumni Regent Robert Aranton, at Tagapangulo at propyetaryo ng UP Gyud Food Hub na si G. Jose Magsaysay Jr. Bukod sa mga mensahe mula sa mga panauhing-pandangal, nilagdaan din ng mga kinatawan ng UP, UPAA, at UP Gyud Food Hub ang kanilang Contract of Service. Simboliko ring ipinagkaloob sa ilang mga estudyante ang food voucher, tanda ng pagsisimula ng proyekto. Maaaring iprisinta ang food voucher sa alinman sa 10 restoran sa UP Gyud Food Hub upang makuha ang libreng hapunan.
Upang simulan ang programa, nagbigay ng mensahe si Oliquino sa mga benepisyaryo ng Lingap-Hapunan Project. Aniya, “sinasalamin ng proyekto ang diwa ng walang sawang suporta” ng Unibersidad sa mga mag-aaral nito.
Ipinaabot naman ni Jimenez ang kanyang pasasalamat sa mga kinatawan ng UPAA at UP Gyud Food Hub. Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga benepisyaryo ng proyekto. Sabi ni Jimenez, tungkulin ng kanyang administrasyon na “pangalagaan ang kapakanan ng bawat mag-aaral” at “tiyakin ang kanilang tagumpay.”
Nagpahayag din ng suporta sa mga mag-aaral sina Aranton at Magsaysay. Ani Aranton, ang Lingap-Hapunan Project ay isang paraan ng UPAA upang magbalik o give back sa Unibersidad ang mga nagawa nito para sa kanila noong sila ay mga estudyante pa. Para naman kay Magsaysay, isang patotoo ang naturang programa sa layunin ng UP Gyud Food Hub na “magbigay-serbisyo sa mga mag-aaral, fakulti, at buong komunidad ng UP.”
Nagwakas ang programa sa isang mensahe mula kay Asst. Prof. Jay-Ar Igno, dating Tagapag-ugnay ng Office of Student Projects and Activities, at kasalukuyang Tagapamahalang Opisyal ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs. Binigyang-diin niya ang tungkulin ng kanilang tanggapan sa pagbibigay-serbisyo sa mga mag-aaral. Dagdag pa niya, “Kasama ninyo kami para sa well-being at wellness ng bawat isa.”
Pagkatapos ng programa, nagkaroon ng salusalo para sa lahat ng dumalo sa paglulunsad. Ilang mga benepisyaryo rin ng “Lingap- Hapunan Project” ang nagtungo sa kanilang napusuang restoran upang kunin ang libreng hapunan.
Sa paglulunsad ng Lingap-Hapunan Project, hangad ng pamunuan ng UP na matugunan ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral: ang pagkakaroon ng sapat at masustansiyang pagkain. Kung walang iniindang gutom ang bawat estudyante, tiyak na sila’y makapag-aaral nang matiwasay. Hangad ng bawat isa na sa pamamagitan ng proyekto, mabawasan ang mga suliraning pampinansyal ng mga mag-aaral. Lalo’t higit, matiyak na ang mga mag-aaral ng UP, gaya ni Mariella, ay hindi na magugutom pa.