Tanghalan ng Poetika, Gabi ng mga Sining at Kalinangan: Pagpupugay at Pagkilala sa mga Pambansang Alagad ng Sining mula UP

| Written by Percy Dahe

Ang mga Pambansang Alagad ng Sining mula UP na ginawaran sa Tanghal Tertulia noong
ika-8 ng Marso, 2025 sa Ampiteátro ng UP Executive House. Mula sa kaliwa: Raymundo
Cipriano “Ryan” Cayabyab (Musika, 2018), Fides Cuyugan-Asensio (Musika, 2022), Gémino
Abad (Literatura, 2022), at Ricardo “Ricky” Lee (Pelikula at Sining ng Brodkast, 2022).
Kuhang larawan ni Jun Madrid, UP MPRO.

 

Bahagi ng 44 na mga Pambansang Alagad ng Sining mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), kinilala sina Ricardo Lee (Pelikula at Sining ng Brodkast, 2022), Fides Cuyugan-Asensio (Musika, 2022), at Raymundo Cipriano Cayabyab (Musika, 2018) sa taunang Tanghal Tertulia na ginanap noong ika-8 ng Marso, 2025 sa Ampiteátro ng UP Executive House na tampok sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Sining. 

Ang gawaing ito ay isinakatuparan ng UP Opisina ng Pangulo, ang UP Kolehiyo ng Musika  kasama ang UP Internet Television Network (TVUP) para sa teknikal na suporta, at ang  Philippine Association of University Women–UP Chapter (PAUW-UP) sa pamamagitan ng kanilang Komite ng mga Sining, Musika, Kasaysayan, at Kultura, sa pangunguna ni Propesor Emeritus ng Pelikula at tagapagpaganap na direktor ng TVUP, Dr. Gigi Alfonso. Dinaluhan din ito ng mga opisyal ng Sistemang UP at Diliman, opisyales ng Lupon ng mga Rehente, mga kapamilya ng mga pararangalan, VIPs , at mga mag-aaral. 

Kasama sa ad hoc committee na bumuo sa konseptuwalisasyon ng Tertulia Series  sina Professor Emeritus Jose Dalisay; Dr. Roland Tolentino ng UP Instityut ng Pelikula; Dr. Jimmuel Naval, dekano ng UP Kolehiyo ng Arte at Literatura; Prof. Romulo Baquiran, Jr. ng UP Likhaan Linangan ng Malikhaing Pagsulat; Dr. Patricia Brillantes Silvestre, dekana ng UP Kolehiyo ng Musika; at Atty. Fina Dela Cuesta-Tantuico, tagapangulo ng programa.

 

Sina Fides Cuyugan-Asensio (Musika, 2022) (kaliwa) at UP Pangulo Angelo Jiminez (kanan)
sa maikling kumustahan bago magsimula ang paggawad noong ika-8 ng Marso, 2025.

 

Si Gabriela Roldan-Concepcion, dating pangulo ng PAUW-UP at isa sa mga punong tagapagdaloy ay binigyang-kahulugan ang salitang “tertulia.” Ayon sa kaniya, ito ay isang magandang salita mula sa wikang Espanyol na nangangahulugang pagtitipon-tipon ng panitikan at armoniya ng mga awit.

Naibahagi ni UP Pangulo Angelo Jimenez sa kaniyang talumpati, ang payak na kuwento lamang ng kanilang pag-uusap ni Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura Gémino Abad, kung paano nagsimula ang planong muling pagbuhay ng tradisyon ng Panulaan sa Diliman. Higit pa, naihayag rin ni Jimenez ang kaniyang mga rason sa pagbuo nitong programa para sa buong unibersidad. Aniya, “I just want our university community, amidst so big—I want a place where we can all come together. . . . We need to unite the spirit of the University.” 

 

Sina Atty. Edlyn Verzola, kasalukuyang pangulo ng UP PAUW (kaliwa), Gémino Abad
(Literatura, 2022) (gitna), at Ricardo “Ricky” Lee (Pelikula at Sining ng Brodkast, 2022) sa
oras ng paggawad ng memento noong ika-8 ng Marso, 2025 sa Ampiteátro ng UP Executive
House. Kuhang larawan ni Jun Madrid, UP MPRO.

 

 

Sa teklado ng mga Awit at pabigkas na Panulaan

Naging konsyerto ang ampiteatro nang simulan ang pagpapamalas ng mga talento at sining ng UP Jazz Ensemble. Bago ang pagkilala kay Asensio, naghandog ng tula si Dalisay, na sinundan nang pag-awit ng “Mayo, Mayo na Naman” mula sa Mayo Bisperas ng Liwanag ni Bianca Lopez-Aguila. Kasunod nito ang mga pagtatanghal ng musika mula sa Jazz Aria-“Quando Men Vo (La Bohème)” ng UP Jazz Ensemble; “Salamin, Salamin” mula sa Mayo Bisperas ng Liwanag, duet nina Lopez-Aguila at Asensio; at panghuli ang “Ay! Kalisud” na solo ni Asensio.

Nagbahagi rin ng maikling panayam si Atty. Nick Pichay na pinamagatang “Thoughts on Writers from Ricky Lee,” na sinundan nang pag-awit ng “Isang Himala” ni Aicelle Santos at mga pagganap na musikal at pagsayaw mula sa UP Jazz Ensemble at UP Dance Company.

Panghuli, ang mga awit na alay kay Cayabyab ay sinimulan sa awiting “Minsan ang Minahal ay Ako” mula sa KATY ni Santos, “Death Duet” mula sa Spoliarium nina Lopez-Aguila at Ervin Lumauag, at mash-up ng mga awitin ni Cayabyab na “Nais Ko at Hibang Sa Awit” ng Iskollas; Kay Ganda ng Ating Musika (Piano Jam)” nina Cayabyab, UP Jazz Ensemble, at Poppert Bernadas; “Awit ng Pagsinta/Epithalamium” mula sa Rama Hari ni Bernadas at ng lahat ng mang-aawit; at “Poets in Tumultuous Affray” ni Pichay.

 

Sina UP Pangulo Angelo Jiminez (kaliwa), Raymundo Cipriano “Ryan” Cayabyab (Musika,
2018)(gitna), at Toym Imao, tagapangulo n ng UP Komite ng Kultura at mga Sining sa oras
ng paggawad ng memento noong ika-8 ng Marso, 2025 sa Ampiteátro ng UP Executive House.
Kuhang larawan ni Jun Madrid, UP MPRO.

 

 

Noon at ngayon: Mga aral mula UP 

“Naging mas organisado ako bilang tao at bilang writer. Noong naging aktibista ako dito (sa UP), natutuhan kong ilagay ang  mga bagay-bagay sa tamang lugar. . . . Sa Diliman, kapag tumitingin ako sa isang narrative, sa isang isyu, o sa mga bagay-bagay sa paligid, nakaorganisa na sila. Inorganisa ako ng UP in so many ways.” Tugon ni Lee nang makapanayam tungkol sa pinakamahalaga niyang natutuhan sa UP na hanggang  ngayon ay bitbit niya pa rin bilang Pambansang Alagad ng Sining. 

“Kailangan makapal ang mukha mo at dapat medyo makulit if you want to learn more. It is the liberal education that I grew up with na bahala ang ikaw, ang indibidwal na mag-carve ng kung ano ang gusto mong mangyari sa buhay mo.” Pahayag ni Cayabyab sa parehong tanong. 

“Sa pagtuturo ko, everyone deserves to learn pero kahit ibinibigay mo na ang lahat ng tool, nasa tao pa rin iyan kung paano niya gagamitin. UP taught me to be strong and independent.” dagdag pa niya. 

 

Si Raymundo Cipriano “Ryan” Cayabyab (Musika, 2018) nang paunlakan ang “Piano Jam” ng
kaniyang awiting “Kay Ganda ng ating Musika” noong ika-8 ng Marso, 2025 sa Ampiteátro ng
UP Executive House. Kuhang larawan ni Jun Madrid, UP MPRO.

 

Batid naman ni Asensio na sa mahigit 50 na taong pagtuturo niya sa UP, “hard work and passion” ang tangan niya hanggang sa ngayon. “All my students are practically very passionate. Once in a while, I get the lemons, and when I get the lemons. . . . I let them study Kumintang. Pero mahirap din pala ang Kumintang,” pabiro niyang sabi. 

Sa pagpapatuloy ng pagpupugay at pagkilala, iginawad ang mementong pinangalanang “Puso at Pusod” na dinisenyo ng tagapangulo ng UP Komite ng Kultura at mga Sining, Toym Imao, bilang pagkilala sa kanilang hindi matawarang kontribusyon sa Sining at Kultura sa Pilipinas. Kasama rin sa paggawad ang mga kinilala bilang Pambansang Alagad ng Sining  sa nagdaang taon na sina Dr.  Virgilio Almario (Literatura, 2023), Dr.  Gémino Abad (Literatura, 2022), at Dr.  Ramon Santos (Musika, 2014).

 

Mga kapamilya ng mga pinarangalan, VIPs t, mga mag-aaral, at alumni ng UP na dumalo at
nakisaya sa paggawad sa mga Pambansang Alagad ng Sining mula UP noong ika-8 ng Marso,
2025 sa Ampiteátro ng UP Executive House. Kuhang larawan ni Jun Madrid, UP MPRO.