
Litaw na litaw ang mga matitingkad na kulay ng bahaghari sa ilalim ng makulimlim na kalangitan at buhos ng ulan — imaheng kakambal ng sigaw ng LGBTQIA+ para sa tunay na hustisya, kalayaan, at karapatang-pantao, na nangibabaw sa ingay ng lipunang hindi pa tuluyang ganap ang mga ito.
Iba’t ibang bersyon ng eksenang ito ang nasaksihan sa magkasunod na Pride March na ginanap sa UP Diliman noong Hunyo 27 at 28. Sa buwang ito ginugunita ang Pride Month, kung saan tinatangi ang mga inklusibong gawain at pamamayagpag ng suporta para sa LGBTQIA+ sa laban nito tungo sa pantay na pagturing at pagkilala.

Ang una, ang UPD 2025 Pride March na may temang, “Bahaghari sa Langit, Benepisyo sa Lupa tungo sa Ingklusibong Buhay,” ay pinamunuan ng UPD Gender Office sa pakikipatulungan ng mga organisasyong pangmag-aaral, fakulti, kawani, at iba pang mga kasamahan sa komunidad. Ito ay pagpapatuloy ng mga gawain ng UP na tumutugon sa mga kontemporaryong panawagan para sa inklusibong paglalakip at pagsulong.
Ang pangalawa naman ay bahagi ng Pride PH Festival 2025 na pinangunahan ng Pride PH, sa pakikipag-ugnayan nito sa unibersidad at sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon. Pinamagatang, “LoveLaban sa Diliman,” ang buong kaganapan ay nagtampok ng Pride March, Pride Expo, Pride Night, at Pride Villages.
Sa parehong pagkakataon, hindi lamang binuksan ng UPD ang mga espasyo nito bilang payapang lugar ng kaganapan, niyakap nito at binigyang kaligtasan at kalayaan ang komunidad ng LGBTQIA+ at mga kapanig nito. Sa magkasunod na araw, dumagundong ang hiling at matagal nang nilalayon ng bahagharing komunidad: ang maipasa na ang napakatagal nang nakabinbin na SOGIESC Equality Bill.

Bahaghari sa puso ng pamantasan
Nagsimula ang parada mula Jose B. Vargas Museum at nagtapos sa harap ng Quezon Hall, kung saan nagkaroon ng programang tumalakay sa mga isyung tungkol sa karapatan sa pag-ibig, kalayaan, kapayapaan, at hustisya.
Naiparating ng mga mag-aaral ang kanilang hinaing sa kalayaan sa paghayag ng saloobin at ang suportang nararapat mula sa pamantasan. Sa mensahe ni Faculty Regent Early Sol Gadong, binigyang-diin niya ang halaga ng akademikong kalayaan. “Dapat lamang na nakikiisa ang [UP] sa panawagan ng kapayapaan sa lahat ng panig ng mundo….Walang pride ang iilan sa atin kung walang pride sa ating lahat.” Dagdag pa niya, “Huwag na huwag po tayong makontento sa pagto-tolerate lamang sa atin, dahil kailanman ay hindi po pagiging entitled ang pag-asam ng pantay-pantay na karapatang-pantao.”
“Ang guro ng bayan, ngayon ay lumalaban!” Ito naman ang bungad-sigaw ni Nalla Avena, na miyembro ng UP Diliman Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy. Sa kanyang pahayag ay naglatag siya ng iba pang mga isyung kinakaharap din ng LGBTQIA+a, tulad ng ekonomikong krisis ng kahirapan, pampolitikang panggigipit tulad ng red-tagging, kakulangang akses sa batayang serbisyo, at ang kulturang pagsantabi sa maralisadong sektor ng lipunan. “Sa pagsulong na masugpo ang pananamantala at karahasan, hindi na tayo papayag na isako at ibitin na lamang patiwarik, ang ating mga karapatan, na siyang susulong sa pagkapantay-pantay.”

Sangkabaklaan sa Diliman
Mas ligtas na espasyo at kapaligiran, higit na hayaw o bisibilidad, at mas progresibong tugon sa pagkakaiba-iba ang nagtulak sa pagbubuo ng Pride PH Festival 2025 at pagsasanib pwersa ng Pride PH, UPD, at pamahalaan ng QC.
Nagpaabot ng kanyang pagbati si UPD Chancellor Edgardo Carlo Vistan II sa pamamagitan ng bidyo, Sinabi niyang kalakip ang pagdiriwang ng di-kombensyonal na paglalahad sa sarili sa pagsulong ng holistiko at progresibong pagtugon sa pagkatuto. Tiniyak na patuloy ang UPD sa pag-aalay nang maayos at inklusibong espasyo para sa lahat.
Si Andrei Ledesma, Punong Babaylan ng UP Babaylan, ang pinakamatandang organisasyong pangmag-aaral para sa LGBTQIA+ na komunidad sa UP Diliman, ay nagpahiwatig naman ng pagkabahala at pangamba sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng HIV sa Pilipinas. Sa kabila nito, naniniwala siyang “ito ang nararapat na panahon na tayo ay maging malakas at matapang na labanan ang mga stigma…. Sa araw ng Pride, paalabin natin ang pagmamahal at laban na siyang diwa ng selebrasyong ito. Dahil ang paglaban na puno ng pagmamahal sa komunidad ay pag-aalala rin sa mga kapatid na nauna nang lumaban para sa atin.”
Ang matagumpay na pagdiriwang ng magkasunod na Pride March sa UPD ay hindi lamang parada ng bahagharing komunidad, bagkus isang malaking panawagan para sa lahat. Ang sigaw nga ng sangkabaklaan, “Ang Pride ay Protesta.”