
Madilim ang kalangitan dala ng walang tigil na pag-ulan. Patuloy ang wasiwas ng mga dahon, kasabay ng paghambalos ng mga alon sa dagat. Hindi na ito bago sa mga residente ng Claveria, isang bayan sa probinsya ng Cagayan. Ganito na raw ang kanilang nakasanayan tuwing sasapit ang tag-ulan.
Mahigit apat na buwan na ang nakalilipas nang sinalanta ng bagyong Marce ang hilagang bahagi ng bansa. Nawasak ang mga bahay at paaralan. Maging mga puno’t pananim ay nagsitumba. Sa talâ ng Cagayan Provincial Information Office, mahigit 40,000 katao ang lubhang naapektuhan ng bagyo. Umabot naman sa PhP16,247,830 ang pinsala sa agrikultura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Matinding dagok sa mga residente ang unos na naranasan. Bagaman at mahigit apat na buwan ang nakakaraan, bakas pa rin ang delubyong dumaan. Sa kabila nito, pílit na bumabangon ang mga residente, kasama ang buong komunidad.
Isa ang Ugnayan ng Pahinungód Baguio sa mga tumugon sa tawag ng Cagayan. Noong ika-17 ng Pebrero, nagsagawa ang Pahinungód Baguio ng community outreach program sa Brgy. Taggat Sur sa Claveria. Naisakatuparan ang programa sa pakikipagtulungan ng Ugnayan ng Pahinungód System, ang volunteer service arm ng UP, at UP Padayon Public Service Office, ang public service arm ng Unibersidad.
Aní Divine Peñaflor, junior project staff ng Pahinungód Baguio, mahalaga ang isinagawang aktibidad upang “makapaghatid ng tulong at panandaliang relief” sa mga nasalantang lugar, partikular sa mga hindi maabót ng agarang tulong.
Pagtugon sa tawag ng Fuga

Isa ang isla ng Fuga sa Cagayan sa mga lubhang naapektuhan ng bagyong Marce. Ang Fuga ay matatagpuan sa ikalawa sa pinakahilagang bahagi ng bansa. Dahil sa layo nito, hindi naging madali ang paghahatid ng agarang tulong sa isla.
Ayon kay Pastor Jason Duerme ng Fuga Baptist Mission, malaking balakid ang distansya upang matugunan ang pangangailangan ng isla. Madálang ang mga byahe kaya’t walang supláy ng pagkain doon.
“Ang kadalasan pong kinakaharap na pagsubok sa isla ay pagkain,” salaysay ni Duerme. “Kapag ganitong mga panahon, lalo na kapag may bagyo, nasisira po ang lahat ng pananim.”
Humantong na raw sa puntong nagbubungkal na lamang ng bungangkahoy ang mga residente nang may maipanglaman-tiyan.
“Sa ngayon po, ang isla ay nangangailangan ng bigas sapagkat wala pong áni dahil sa bagyo,” ayon sa pastor.
Bilang tugon, nagtungo ang Pahinungód at Padayon Office sa Claveria—mahigit 40 kilometro mula Fuga—upang maghatid ng 82 sako ng bigas para sa isla. Ayon kay Peñaflor, ang programang ito ay bahagi ng kanilang “sinumpaang tungkulin na makapagbigay-tulong” sa mga komunidad.
“Malaking tulong po ito sa amin,” saad ni Duerme tungkol sa ipinagkaloob na bigas sa kanilang komunidad.
“Ito rin ay isang paalala sa mga taga-isla na dumaan man sa mga ganoong kalamidad, na kahit gaano man karami ang pagsubok sa buhay, hindi tayo dapat mawawalan ng pag-asa. Isa ang UP Padayon at Pahinungód sa ginagamit ng Panginoon upang matugunan ang mga pangangailangan ng isla,” pagwawakas ng pastor.
Sa talâ ng Pahinungód, umabot sa 679 pamilya ang nabigyan ng bigas.
Istoryahan sa Claveria
Hindi lamang mga residente ng Fuga ang nabigyan ng tulong ng dalawang tanggapan. Kinahapunan ng araw ding iyon, bumisita naman ang Pahinungód at Padayon Office sa Taggat Sur Elementary School, na matatagpuan din sa Claveria. Ilang buwan matapos hagupitin ng bagyong Marce ang lugar, bakas pa rin ang pinsala nito sa paaralan.
“Hanggang ngayon, kalat-kalat pa rin dito,” paglalarawan ni Ariston Baisa, isang guro, sa kanilang paaralan. “Hindi pa rin makapag-ayos ang mga tao dahil sa ulan.” Aniyá, masama pa rin ang lagay ng panahon búhat nang humagupit ang bagyong Marce.
Dahil sa bagyo, nagibâ ang isa sa mga gusali ng kanilang paaralan. Naroon sa gusaling iyon ang kanilang canteen, faculty room, at stock room. Maging ang computer room sa kalapit na gusali ay lubhang napinsala.
Sa kabila nito, buo ang kanilang pag-asa na muling maisasaayos ang eskwela.
“Sana ay maibalik namin ‘yong dating sigla ng aming paaralan, gano’n din sa aming bayan,” hiling ni Baisa.
Upang makapaghatid ng tulong at sayá sa mga bata, nagsagawa ng isang istoryahan o storytelling session ang Pahinungód at Padayon Office sa Taggat Sur Elementary School. Namahagi rin sila ng mga gamit pang-eskwela at hygiene kit sa 145 mag-aaral.
“Tuwing nagbibigay táyo ng tulong sa mga area, hindi dapat kinakalimutan ang mga bata,” sabi ni Peñaflor hinggil sa kanilang programa. “Isa sila sa mga higit na naapektuhan ng mga ganitong klaseng sakuna.”
“Sa paraan ng ating istoryahan, sana ay nabigyan natin sila ng pag-asa,” sabi ni Peñaflor.


Sa kabila ng mga bagyong humagupit sa Cagayan, patuloy na bumabangon ang mga mamamayan nito. Buo ang kanilang pag-asang muling maibabalik ang dating sigla sa probinsya. Sa tulong ng mga organisasyong tulad ng Ugnayan ng Pahinungód at UP Padayon Public Service Office, unti-unting naisasakatuparan ang pag-asang ito. Hindi na lamang patak ng ulan o hampas ng alon ang maririnig sa tuwing tag-ulan. Mga kuwento ng pagbangon at
pagtutulungan ang mapakikinggan, dadagundong sa buong bayan.
Teksto at mga kuhang larawan ni Clariza Concordia, UP MPRO
Ilang mga ulat mula sa at .