Kung paanong sinalubong ni Angel Otom ang agos

| Written by Clariza Concordia

“’Sabi ni kuya Ernie (Gawilan) noon, kapag nasa tubig daw s’ya, feeling n’ya wala s’yang kapansanan. ‘Pag nasa tubig s’ya, parang normal lang…’ No’ng naisip ko ‘yon, [sabi ko] ‘Oo nga kuya, ‘no? Parang wala tayong kapansanan ‘pag nasa tubig tayo.’” – Angel Mae C. Otom, ang kauna-unahang para swimmer ng UP. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO.

 

Pagkagaling sa eskwela, agad na nagtungo ang batang si Angel Mae C. Otom sa tabing-dagat, ilang kilometro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan sa bayan ng Baretto, Olongapo, Zambales. Doon sa tabing-dagat madalas maglaro si Angel kasama ang kanyang mga pinsan.

Kaiba ang dagat nang araw na iyon. Nang ihakbang niya ang kanyang mga paa, naramdaman ni Angel ang bahagyang paglalim ng dagat, hindi gaya ng nakasanayan. Wala na ang malamig na buhangin sa ilalim ng kanyang mga paa. Unti-unti na ring pinasok ng tubig-alat ang kanyang lalamunan. Sa pagnanais na makaiwas sa nakaambang trahedya, buong-lakas niyang sinubukang palutangin ang katawan sa tubig, ipinadyak ang mga paa. “Do’n na po ako natutong lumangoy,” kuwento ni Angel.

Si Angel ang kauna-unahang Pilipinong atletang may kapansanan—o para athlete—na nag-uwi ng apat na ginto sa larangan ng paglangóy. Siya rin ang kinatawan ng bansa sa darating na Paris 2024 Paralympic Games.

“No’ng ipinanganak po ako, wala na po talaga akong kamay,” ani Angel, hinggil sa kanyang kapansanan.

 

Gamit ang kanyang kanang paa, isinusuot ni Angel Otom ang kanyang swimming goggles bilang paghahanda sa kanyang pagsasanay sa Philippine Sports Commission Complex sa Pasig City. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO.

 

Bagama’t gagáp ni Angel ang kanyang kalagayan, may mga pagkakataong nakadama rin daw siya ng lumbay. “No’ng una, naisip ko, bakit ibinigay ‘to ni Lord? Ang hirap-hirap. Hindi ko man lang matulungan [ang] family ko.”

Ngunit sa gabay ng kanyang mga magulang, unti-unting natutuhan ni Angel na tanggapin ang kanyang kapansanan. Hinikayat siyang lumahok sa iba’t ibang paligsahan: pagguhit, paggawa ng poster, at pagpipinta. At sa bawat kompetisyong kanyang napagtagumpayan, napagtanto ni Angel ang kanyang kakanyahan. “Do’n ko na-realize na marami pa pala akong magagawa. Hindi pala imposibleng gawin ‘yong mga imposibleng naisip ko.”

Ang kagustuhang makatulong sa pamilya ang naging inspirasyon ng batang si Angel na sumali pa sa ibang patimpalak. Sinubukan naman niya ang larangan ng paglangoy.

Nang si Angel ay nasa ika-9 na antas, naimbitahan siyang lumahok sa Philippine National Para Games (PNPG). Ang PNPG ay isang taunang palaro para sa mga batang may kapansanan. Bukod sa allowance para sa mga atleta, mayroon ding incentive para sa sino mang makapag-uuwi ng medalya.

“Sumali ako do’n para sa allowance. Sabi ko, makakatulong [ako] sa family ko kahit kaunti,” saad ni Angel.

 

Ang backstroke ang pinakapaborito ni Angel na estilo ng paglangóy. Ito rin ang kanyang pinakamalakas. Ilang medalya na ang kanyang naiuwi sa naturang larangan. Sa kasalukuyan, si Angel ay pumapang-apat sa pinakamabilis na babaeng para swimmer sa buong mundo sa larangan ng 50-meter backstroke, batay sa 11th World Para Swimming Championship. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO.

 

Sa gabay ng kanyang mga coach sa Olongapo, puspusang nag-ensayo si Angel para sa kompetisyon. Nagbunga naman ang kanyang pagpupursigi. Nag-uwi si Angel ng tatlong medalya sa larangan ng 50-meter backstroke, 50-meter butterfly stroke, at 50-meter freestyle.

Muling lumahok si Angel sa PNPG sa sumunod na taon. Dito na siya nadiskubre ni Coach Tony Ong. Nangangailangan daw ang kanilang koponán ng atletang ipadadala sa SEA Games.

“Nakitaan natin s’ya ng magandang performance no’ng [una] s’yang nag-compete sa isang national game,” saad ni Coach Tony. Napakapursigido raw ni Angel sa kanyang isport. Kaya naman, mataas ang kumpiyansa ni Coach Tony na mapagtatagumpayan ni Angel ang ano mang kompetisyong sasalihan niya.

Hindi lamang si Coach Tony ang nakasaksi ng husay ni Angel sa paglangóy. Isa na rin dito si Associate Professor Francis “Kiko” Diaz, ang kasalukuyang dekano ng Kolehiyo ng Kinetikang Pantao sa UP Diliman. Si Dean Kiko ang isa sa naging tulay upang makapag-aral sa UP si Angel.

“I think it was in 2017 [or] 2018, just before the pandemic, when I saw and watched Angel compete in the Palarong Pambansa representing their region,” salaysay ni Dean Kiko. “Do’n pa lang, nakita natin na namamayagpag na s’ya sa kanyang mga competition.”

“Papa-graduate na s’ya ng high school. Jokingly, nasabi ko sa kanya, ‘Pagka-graduate mo, Angel, imbitahin ka namin sa UP.”

Agad ding ipinaalam ni Dean Kiko sa head coach ng UP Varsity Swim Team (UPVST), si Coach Jennie Guerrero, na mayroong isang para athlete na nais mag-aral sa UP. Gaya ni Dean Kiko, nasaksihan ni Coach Jennie ang husay ni Angel sa paglangóy. Patunay rin ang kabi-kabilang medalya at pagkilalang natanggap, sa Pilipinas man o ibang bansa, sa husay ni Angel sa paglangóy. Kaya naman, nakapasok si Angel sa UP sa pamamagitan ng Varsity Athletic Admission System. Siya rin ang kauna-unahang para athlete sa varsity program ng UP.

“Gusto ko makilala sa kapansanan ko. Ako po si Angel, may isang kamay—hindi ko alam kung ano’ng klaseng daliri ‘to—pero gusto kong masabi na ako ‘yong pinakamabilis lumangoy na babae na may kapansanan.” Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO.

“Ang pinakagusto ko po [sa UP] ay ‘yong freedom,” sabi ni Angel. “Mas nag-mature din po ako sa UP, dahil nga sa maraming experience.”

Sa UP raw naramdaman ni Angel na siya’y “independent.” Kung dati-rati ay umaasa si Angel sa kanyang mga magulang, sa UP niya napagtantong marami pa pala siyang kayang gawin. Dito rin niya nakilala ang mga bagong kaibigan at kasamahan na itinuring niyang pamilya. Isa na rito ang UPVST.

“[No’ng] una po, na-overwhelm ako,” sambit ni Angel tungkol sa UPVST. “Kasi hindi po talaga ako masyadong na-expose sa mga teammate na walang kapansanan.” Bilang isang para athlete, nakasanayan ni Angel na madalas nakabukod ang kanyang pagsasanay.

“Pinaramdam po talaga nila sa akin na welcome na welcome ako. Napakasaya [ko] po dahil tinanggap po nila ako bilang teammate nila.”

Para kay Angel, malaking bahagi ng kanyang pagkatao ang hinubog ng kanyang mga karanasan at mga kapuwang nakasalamuha. Marami raw siyang aral na napúlot, hindi lamang sa isport, kung ‘di pati na rin sa búhay. Higit sa lahat, natutuhan niyang tanggapin ang kanyang kapansanan.

“May mga tao na nakapagsabi sa akin na napakaswerte ko pa rin kahit may kapansanan ako. Nand’yan ‘yong family ko. Marami akong kayang gawin na hindi kayang gawin ng ibang tao,” sambit ni Angel. “Parang normal lang din. Pisikal na anyo lang talaga ‘yong wala sa amin.”

Sa kabila ng kanyang kapansanan, patunay si Angel na hindi imposibleng maisakatuparan ang pangarap. Ibuhos lamang ang kagalingan, lalo’t higit ay magtiwala sa sariling kakayahan. Walang puwang ang takot at pagdududa sa pagkamit ng tagumpay.

Marami mang nagbago kay Angel, sa pag-iisip at paniniwala, mananatili siyang ang batang si Angel na minsang nanáhan sa may tabing-dagat. Patuloy na sasabay sa agos ng buhay. Patuloy na papadyak para sa katuparan ng mga pangarap.